Sunday, November 28, 2010

CREPE ka ba? Ang SWEET mo kasi eh! :">



          Ang mga Pinoy ay mahilig kumain. Marahil ito ay epekto ng iba't-ibang kultura sa ating bansa. Magkakaiba ang panglasa nating mga Pinoy. May ilang mahilig sa maaalat, mayroon namang sa maasim, at may iba pa na hindi magpapahuli sa pagkaing maaanghang. Ngunit sa kabuuan, isa lang ang pinagkakasunduan ng karamihan sa atin, tayo ay mahilig sa matatamis.



          Isa na ako sa maraming taong nasasabik sa tuwing nakakakita ako ng pagkain, lalu na ang matatamis. Pero pinaka paborito ko sa lahat ay ang Crepe. Ito ay isang dessert na nagmula pa sa Brittany, France. Ang Crepe ay isang uri ng napaka nipis na pancake na may kadalasang may matamis na filling o di kaya ay prutas. Ito ay gawa sa harina, itlog, mantikilya at gatas. Ipiniprito ito ng napaka nipis sa hugis bilog, at saka ihahain nang may palaman sa loob. Maaari ring ipalaman sa Crepe iba pang uri ng palaman gaya ng ham, bacon, keso at iba pa. Ito ay napakasustansya, lalu na kung sarwang prutas ang ihahain mo kasabay nito. Ngunit dapat ay ating limitahan ang pagkain ng matatamis sapagkat ito ay maaaring magdulot ng ilang karamdaman.



           Paborito ko ang Crepe sapagkat ito ay madali lamang gawin. Higit pa dun ay maaari kong piliin kung anu-ano ang sangkap na ilalagay ko rito. Ito ay mura, masarap at masustansya pa. Kaya ikaw, oo ikaw nga, tikman mo na ang Crepe. Siguradong hahanap-hanapin mo siya sa sarap. Simula nung matikman ko ang kakaibang tamis na dulot nito, ako ay walang dudang nahulog para dito. Ang sweet niya kasi eh. :">




Lora Jade Cavestany :)

I Love Tempura

Madaming klase ng pagkain ang ating makikita sa tabi tabi. lahat ito ay masarap ngunit ito ay depende sa panlasa ng isang tao. tayo ay may iba't ibang lahi at iba't iba din ang mga panlasa natin. Para sa akinn walang tatalo sa sarap ng Shrimp Tempura. Ang malinamnam nitong lasa ay nakakapagpalaway sa akin. Sa tuwing ako ay madadaan sa isang Japanese restaurant ay hindi ko mapigilan ang aking sarili sa pagkain nito. Ito ay walang katulad. Ang malinamnam at masarap nitong hipon na ibinalot mo pa sa japanese bread crumbs na nakapagpalutong pa dito ay wala ng tatalo pa. Sa Tokyo Tokyo at Teriyaki Boy ito matitikman at ang lasa nito ay panalong panalo at wala ng tatalo pa. 


By: Mary Gillene Violago. 1t1

Saturday, November 27, 2010

AJEJEDASHI TOFU!

Sinasabi ng mga eksperto na ang tofu ay masustansya at mabuti sa kalusugan ng isang tao. Ako ay sumasang-ayon dito. Ang tofu ay gawa sa coagulating soy milk at saka ito pinagsama-sama upang magdikit dikit at saka hahatiin ng parisukat o parihaba. Nagtataglay ito ng maraming iron, kaunting calories at fat. Ang isa pang katawagan para dito ay beancurd. Ang salitang ito ay ginamit simula 1840.

Napakasarap ng tofu lalo na kung ito ay gawa ng Intsik. Sa Tsina kasi unang naimbento ito noong Han Dynasty pa. Kaya org na orig. Madalas akong nakakakain nito sa Teryaki Boy, Saisaki, Chowking at sa iba't-ibang Asian food establishments. Ang pinaka-paborito ko na luto o klase ng tofu ay ang Agedashi Tofu. Mula sa pangalan nito na agedashi, makukuha mo ang salitang "aged" na nagangahulugang ito ay naka-preserve ng mahabang panahon bago ito ihain sa hapag-kainan. Ito ay parisukat na tofu na may potato starch at saka ipinirito hanggan ito ay maging golden brown. Pagkatapos nito ay lalagyan na ito ng mainit na Tentsuyu. Ang tentsuyu ay isang espesyal na sauce na gawa sa toyo ng Hapon at spring onion. Kapag ako ay mag-oorder, automatic na yun sa mga magulang ko na gusto ko ng ganun. Minsan talaga ay pinagdadamot ko na ito sa aking mga kapatid sa sobrang gusto ko na malasap ang bawat kagat. Hindi ko matigilan ang pagkain nito lalo na kung pwedeng-pwede at walang pumupigil saking umorder. Hindi naman ito nakakataba kung kaya't okay lang. Sa Ingles nga, guilt-free ito na comfort food. Ngunit, aking ipinagtataka ay kung bakit ganito parin ang aking katawan. Hindi mapayat, hindi mataba. Chubby lang. Pa-humble pa! Naniniwala ako na hindi yun nadadaan sa kung ano ang korte mo, nasa loob mo at nararamdaman mo naman kung ikaw ay malusog o hindi. Para sa akin, nakatutulong ang tofu sa paglilinis ng toxins at pampalusog ng katawan.




Ang tofu ay ginagamit din sa ating paboritong taho. Wala naman sigurong Pilipino ang hindi pa nakakatikim nito. Kawawa naman siya kung ganoon. para sa mga hindi nakakaalam, ang taho ay gawa sa fresh tofu na hinaluan ng sago at tinunaw na asukal o syrup sa Ingles. Kung mayroon lang sa UST na murang bilihan ng Agedashi Tofu, hinding-hindi ko ito titigilan. Kahit ako lang ang customer ay okay lang. Aaraw-arawin ko ang pagbili hangga't sa magsawa ako at magmukha na rin akong tofu. Sana marami din akong maimpluwensya sa pagkain ng tofu kahit wala naman talaga itong lasa kung di mo sasamahan ng sauce. Isaisip sana nila na maganda ang nutritional content na nilalaman ng tofu. :)

Anna Francesca Solis, 1T1

Mapapabokbokbok ka sa sarap ng Tinolang Manok !



 Kung tatanungin mo ang isang tao kung ano ang kanyang paboritong pagkain, paniguradong hindi lang isa ang masasagot nito. Katulad ko marami akong paboritong pagkain at isa na rito ang Tinolang Manok.

 Ang Tinolang Manok ay isang masustansyang uri ng pagkaing Pilipino na may sabaw at sinasahugan ng laman ng manok, luya , luntiang papaya at iba pang gulay. Ito rin ay minsang sinasahugan ng malunggay at maraming nutisyon ang nakukuha rito gayun din sa mga ibang sangkap nito. Ang putaheng ito ay madalas makita sa mga carinderia at talaga namang abot kaya ang presyo.

Isa ito sa aking paboritong pagkain sa kadahilanan na ito'y masarap at malasa at dahil na rin mahilig ako sa anumang putahe na may laman ng manok. Tuwing nagluluto ang aking nanay ng ganitong putahe tuwing tanghalian, sobrang nasisiyahan ako at napapadami ang aking kain na kahit busog na ako ay kain parin ako ng kain.

Para sa akin, isa ito sa pinakamasarap na pagkain sa buong mundo at kahit kailan hndi ako magsasawa kumain ng Tinolang Manok. Kaya mag paluto na at kumain ng Tinolang Manok upang mapabokbokbok na rin kayo sa sarap at linamnamn nito!



Vica Vernice S. Samonte
1T1

AMPAborito ko!





Ang bawat tao sa mundo ay may kanya-kanyang pangarap, pananaw sa buhay, kahinaan, kalungkutan, kinatatakutan at kasiyahan. Sa madaling salita, ang bawat indibidwal sa mundo ay may pagkakaiba sa ayaw man natin o sa gusto at isang halimbawa ng ating pagkakaiba ay ang ating mga panlasa sa bawat pagkaing ating natitikman. Mayroong pagkakataon na ang pagkaing iyong kinahihiligan ay siya namang kinasusuklaman ng iba at halos masuka-suka na sa tuwing ito ay kanilang naamoy o nakikita pa lamang at kung minsan nama’y kung ano pa ang iyong pinakaayaw na pagkain at kulang na lamang ay isumpa mo ito dahil sa ayaw ito ng iyong panlasa ay siya namang kinahihiligan ng iba at sarap na sarap pa sa pagkain nito. Tunay nga namang iba-iba tayo ng panlasa pagdating sa pagkain at kung paguusapan natin ang mga bagay patungkol dito nais kong itanong ang isang bagay sa iyo. Ano nga ba ang paborito mong pagkain?

    Nais kong ibahagi sa inyo ang pinakapaborito kong pagkain sa balat ng gulay este lupa pala (haha!). Sa totoo lang gusto ko talaga ang pagkain ng mga gulay ngunit sa lahat ng mga gulay na natikman ko ito talaga ang pinakagusto ko, ang ginisang ampalaya na may itlog! Hindi ko malaman kung bakit sa lahat ng mga gulay na kinakain ko sa bawat araw ay ito ang napili ko basta ang masasabi ko lamang ay napakasarap nito at dahil sa hilig ko nga itong ulam na ito ay umabot sa puntong nagpaturo pa ako sa aking ina kung papaano ito lutuin, natutunan ko ang pagluto nito noong nakaraang sembreak lang at napagalaman kong napakadali lamang pala ng proseso ng pagluto nito. Gusto niyo bang malaman kung papaano ito? Simple lang, una, igigisa mo muna ang bawang, sibuyas at kamatis sa kawali pagkatapos ay ilagay na rin ang karneng hiniwa ng maliliit na hugis pahaba at lagyan ng kaunting patis atsaka muna ito takpan upang lumambot ang karne at matunaw ang kamatis. Matapos lumambot at matunaw ang karne at kamatis ay maari mo ng ilagay ang hiniwang ampalaya pero huwag mo ito masyadong haluin upang hindi lumabas ang pagkapait nito. Hayaan muna ito ng ilang minuto at pagkatapos ay lagyan na ito ng itlog. O diba, napakadali lamang lutuin tiyak na hindi ka pagpapawisan at hindi lamang iyan alam niyo ba na ang ampalaya ay nagbibigay ng iron, folic acid, phosphorous at calcium  sa katawan isama mo pa ang taglay nito na bitaminang A, B at C kung kaya’t napakasustansya rin nito. Kaya’t kumain na ng ampalaya ng ika’y sumigla!

    Hindi man kaaya-aya sa paningin ang mga gulay gaya ng ampalaya di hamak naman itong masustansya kumpara sa ibang mga pagkaing katakam-takam na dulot naman ay komplikasyon sa kalusugan.  Subalit  sa kabila ng mga komplikasyong dulot ng mga pagkaing hindi masusustansya, napakalungkot isipin na mas pinipili pa itong kainin ng mga tao kumpara sa mga masusustansyang pagkain gaya ng mga gulay. Ngunit hindi rin naman natin masisisi ang ating mga sarili kung mas gugustuhin natin ang pagkain ng masasarap na dulot lamang ay pagbibigay timbang at pagdadagdag taba sa ating katawan dahil ang mga pagkaing ito ay hindi maikakailang napakasarap naman talaga kumpara sa mga gulay na lasang mga dahon lamang pero ang masasabi ko lang ay dapat pa rin nating pangalagaan ang ating mga sarili at panatilihin itong malusog kahit na humaharap tayo ngayon sa panahon kung saan nagkandarapa na sa paglaganap ang mga pagkaing masasarap na walang sustansyang maidudulot sa ating katawan. Dapat alam nating balansehin ang lahat ng mga bagay na ating kinakain at alam din natin kung kalian kokontrolin ang ating sarili sapagkat kung hindi, sa bandang huli, ang ating murang katawan ang siya ring mahihirapan.

                                                            - Laurene H. Leonardo 
                                                                        1T1 :)


Ang Pizza ng buhay ko


           Ang Pilipinas ay isang bansang mayaman sa kultura. Ang isa sa nagpapayaman ng ating kultura ay ang pagkain ating kinakain sa araw araw. Kagaya ng ibang bansa, maraming masasarap na pagkain ang matatagpuan sa Pilipinas. Bagama’t hindi local na pagkain ang Pizza, ito ay ang aking pinakapaboritong pagkain. Ang Pizza ay isang pagkain na orihinal na nagmula sa gitnang silangan. Ngunit paglipas ng panahon, ang pagkain ito ay kumalat na isa iba’t ibang lupalop ng mundo. At ngayon, kasalukuyang tinatangkilik ng mga tao na may iba’t ibang edad lalong lalo na ng kabataang tulad ko.

            Ang Pizza ay isang pagkain na karaniwang pabilog sa itsura. Ngunit, paminsan naman ay niluluto ito na pakuwadrado. Madalas, ang pizza ay may karne, keso at tomato sauce. Subalit sa panahon natin ngayon, marami ng uri ng pizza ang makikita .  Paborito ko ang Pizza dahil sa maraming katangian tinataglay nito. Una, nagtataglay ito ng kakaibang sarap. Ang sarap na ito ay malalasahan mo lamang tuwing sa kakagat ka sa pagkain ito. Ang sarap na ito ay mararamdaman mo na dumadaloy sa iyong buong katawan. Ikalawa, ang halimuyak ng amoy nito ay magbibigay sayo ng kakaibang gana upang kumain. Ang amoy nito ay napakabango na magdudulot sayo ng pagkabusong kahit hindi mo pa natitikaman ang pagkain ito. Ikahuli, ang saya nagdudulot sa pagkain ng pizza ay ang pinakaimportante para sa akin. Ang simpleng pagkagat lamang nito ay nagbibigay na sa akin na kasiyahan sa buong araw. Ang kasiyahang ito ay nagbibigay lakas sakin upang maipagpatuloy ko ang aking mga gawain sa isang araw.

            Sa araw na araw na pamumuhay ng isang Pilipino, hindi mawawala ang pagkahilig nito sa pagkain. Ang pagkain ay isang bagay na magbibigay sa kanya ng lakas sa araw na iyon. At ang isa sa mga pagkain nakapagbibigay ng lakas at saya sa mga tao ay Pizza. Maaring hindi ito isang local na pagkain sa ating bansa, subalit hindi ito dahilan upang hindi ito magustuhan ng tao. Kung gusto mo makaramdam ng kakaibang sigla at saya, subukang kumain ng pizza at siguradong hindi ka nito bibiguin. Busog ka na, Masaya ka pa.



- Anne Agustin, 1T1

Dearest Darla,


Iba’t ibang lahi, Iba’t ibang pananaw, Iba’t ibang kulay, Iba’t ibang ugali, Iba’t ibang layunin, Iba’t ibang misyon, at hindi imposibleng Iba’t iba din ang ating mga panlasa. Sa dinami dami ng tao ay sapalagay ko ay ganun din kadami ang klase at uri ng pagkain.

Ano ang paborito mong pagkain? Napaka simpleng tanong pero napaka daming posibleng sagot. Minsan, ang mga pinaka simple tanong pa ang mga pinaka mahirap na sagutin. Sa aking paggawa ng asignatura na ito ay naka tatlong ulit ako dahil hindi ko lubos maisip kung ano ang paborito kong pagkain. At ang pagkahaba-habang listahan sa aking utak ay bigla nalang nawala at naiwan ang isang pagkain na bumubuo sa aking araw at nakapagpapagaan ng aking kalooban tuwing ako ay nalulungkot. Sa madaling salita, ito ang aking comfort food at isa sa aking mga paboritong pagkain.

Ang Dear Darla ay isang uri ng pizza na mabibili sa Yellow Cab. Ito ay hindi pangkaraniwang pizza na basta basta mo nalang kakainin. Kagaya ng mga usong pizza ngayon, ito ay thin crust ngunit may kakaibang twist dito. Ang crust nito ay may keso, sibuyas, hipon at kabute. Kasama ng order na ito ngunit nasa hiwalay na lagayan ang arugula leaves, alfalfa sprouts at chili oil.

Kakaiba din ang paraan ng pagkain nito. ‘Di tulad ng karaniwang pizza na kakagatin mo na lamang, ang Dear Darla ay may kaunting twist na tiyak na magugustuhan ng kahit sino. Sa isang slice o lapad ng pizza ay ipapatong mo ang mga hiwalay na sangkap at ito ang arugula leaves, alfalfa sprouts at chili oil. Pagkatapos mo ipatong ang mga ito ay irorolyo mo ito na parang isang pita wrap at pwede mo na ito kainin. Kakaibang pizza hindi ba? Isa pang magandang bagay tungkol sa Dear Darla ay hindi ito masyadong nakakapagpataba kagaya ng normal na pizza na gusto ng karamihan sa atin ngayon dahil halos lahat ay weight conscious na.

Bakit ito ang aking comfort food? Sa kadahilanan na, hindi ako marunong magluto kaya’t pakiramdam ko ay ako ay nagluluto na ako kapag pinaglalahok ko ang mga sangkap at nirorolyo ko ang crust (haha). Pangalawa, napaka dali itong makuha. Pwede ka magpadeliver o pumunta ka lang sa kahit anong mall at may makikita ka nang yellow cab dahil merong 50 na sangay sa Metro Manila. Pangatlo, Hindi ko kailangan isipin kung gaano kadami ang aking kakainin dahil masustansya naman ito. At panghuli, para sakin ay, nagbibigay ito ng easy satisfaction at nakakapagpatanggal ng negative vibe sa aking katawan sa bawat subong aking kinakain.

Sa pangkalahatan, ito ay isa sa mga pagkain na masarap at masustansya. Kumbaga ito ay package. Lahat tayo ay iba’t iba pero kailangan natin mabuhay ng sama-sama. Gaya nga Dear Darla siguro, kapag tayo ay nagsama-sama, makakabuo din tayo ng magandang pagsasama at produktibong mga resulta. J


JYN ENRIQUEZ 1T1