Tuesday, November 16, 2010

Maghalo, Magpunit, Magpalaman, Magsaya!



Kung mayroon mang sandali sa unang hati ng taong ito na hindi ko malilimutan, iyon ang mga huling araw ng First Term ko sa La Salle. Doon ko yata naharap ang pinakamatitinding patrabahong higit pa sa kakayahan ng katawang-lupa ko. Doon ko naranasang magmistulang ermitanyong nakabukod sa sibilisasyon dahil kinailangan ko munang tapusin ang mga papel na dapat ipasa kaysa mag-reply sa mga mensaheng natatanggap ko sa cellphone o sumama sa mga kaibigan kong magpapakasasa sa magagandang pelikula sa sinehan o masasarap na pagkain sa mga restawran. Naranasan ko noong matulog lang ng dalawang oras sa isang araw, masaktan sa hapdi ng mga matang puyat habang nasisinagan ng liwanag, umupo sa harap ng kompyuter ng papalubog pa lang ang araw at tumayo kung kailan papasikat na ulit ito, pagtiisan ang init at lagkit ng katawang ipinagpapaliban ang paliligo, hindi mag-log in sa Facebook nang isang linggo at higit sa lahat, tingnan na lamang ang hitsurang mabilis na pumapangit habang nanghihinayang dahil wala namang panahon para iligtas ito. Pagod na pagod ako noon at gustuhin ko mang pagpahingahin ang hilahod kong katawan, hindi ko magawa dahil kalkulado ko ang mga dedlayn at tanging sa tuloy-tuloy na paggawa ko lang maaaabot ang mga iyon.

Agosto 31, Lunes, nakompleto ko na ang lahat ng kahingian sa dalawang kurso ko sa gradweyt. Noon ko rin opisyal na natapos ang mga academic requirements ng programang kinukuha ko. Laking-pasasalamat ko sa aking propesor, si Dr. Aurora E. Batnag, dahil binigyan niya ako ng dalawang araw na karagdagang palugit sa pagpapasa at naghintay sa akin sa DLSU kahit pista-opisyal noon. Noong maiabot ko sa kanya ang mga papel, daig ko pa ang buntis na nairaos ang panganganak ng quintuplets sa kaligayahan! Agad akong nagpunta sa PGP Chapel para magpasalamat at sa Mister Kabab para magdiwang nang bonggang-bongga!

Shawarma on plate at pita bread – ito ang kumbinasyong bumubusog, hindi lang sa tiyan ko kundi sa kaluluwa (nosebleed!) rin simula kolehiyo. Ito ang putaheng dapat orderin kung gusto mong takasan ang mga karaniwang lasang natitikman na sa mga kinakain sa araw-araw na dahil sa pag-uulit-ulit ay kinauumayan na. Ito ang pagkaing saglit na magpapatigil sa iyong daigdig at magpaparelaks sa iyo dahil may kakayahan itong pukawin ang pansin mo sa natatangi nitong anyo at hamunin ang pagkamalikhain mo sa paraan ng pagtitimpla rito.

Ang putahe ay dekontrsuksyon ng karaniwang shawarmang kinakain natin na sa halip na ibigay nang isang buo’t kompletong putahe na ay inihahain nang di pa magkakahalo ang mga sangkap. Ang shawarma on plate, ang nagsisilbing palaman sa pangkaraniwang shawarma, ay kinatatampukan ng apat na sangkap: karneng baka, sibuyas, kamatis at pepino. Nakatadtad nang pino ang mga sariwang sangkap na ito at nakahain nang magkakabukod sa plato. Samantala, hiwalay namang order ang pita bread, ang puting tinapay na siksik at pinalutong ng saglit na pagdadampi sa ihawan. Para lalong pasarapin ang kombinasyon ng tinapay at shawarma, nagbibigay ang Mister Kabab ng natatanging puting sarsa na ang pormula’y bunga ng matagal na pagtuklas ng kanilang kusina sa tumpak na paghahalo-halo ng mga tamang sangkap at pampalasa. Karagdagan pa rito ang hot sauce na maaaring ipatak nang minsanan o ibuhos nang sagana ayon sa kakaibang thrill na nais maranasan ng kumakain.

May iba’t ibang paraan sa pagkain ng shawarma on plate, gaya ng paghahalo-halo ng lahat ng sangkap nito at isang-buhos na pagpapalaman at pagbalot sa tinapay sabay kain; unang pagsubo ng tinapay at pagsubo naman ng magkakahalong palaman pagkaraan; o pagkain lamang ng mga sangkap na gusto (hal., baka lang). Sa kaso ko, pinagsasama-sama ko muna ang lahat ng sangkap ng palaman – pinong karneng baka, sibuyas, kamatis at pepino – saka saganang binubuhusan ang mga ito ng espesyal na puting sarsa at pinaghahalo-halo. Pagkaraan, pupunit ako ng isang bahagi ng pita bread saka ito lalagyan ng palamang kinutsara mula sa plato. Pagkasubo ko ng kapirasong tinapay na may kaunting palaman, lalapat na sa aking dila ang natatanging lasa at tekstura ng bawat sangkap – alat at ganit ng karne, kaunting anghang at tapang ng sibuyas, tamis-asim at lambot ng kamatis, pagkamanamis-namis at mala-chewing gum na tigas ng pepino at malagatas na lasa ng pita bread na lahat ay naliligo sa sarsang may natatanging tamis at kaunting asim na sadyang komplemento sa mga ito. Paminsan-minsan, pinipisilan ko ang kapirasong tinapay at shawarma ng isang tuldok na hot sauce para sa karagdagang lasa at thrill sa bibig at taste buds. Therapeutic din ang paminsan-minsang pagpunit sa pita bread dahil parang sarili mong stress ang pinupunitan mo at nakakapagparelaks ang pagdama sa iyong kamalayan ng bawat lasang sumasabog sa iyong dila. Perpekto ring kasabay ng pita bread at shawarma on plate ang iced tea ng Mister Kabab na may asim at natatanging tamis sa dulo na humuhugas sa alat at anghang ng pangunahing putahe. Kapag uminom nito bilang regular na interbal sa pagkain ng shawarma, magpapalit-palit ang alat-anghang at asim-tamis na magbibigay ng di-nagmamaliw na sarap at ligaya sa kumakain.

Higit isang linggo ang bugbog na naranasan ng katawang-lupa ko sa pagtapos ng mabibigat na kahingiang papel sa gradweyt ngunit pinawi ang lahat ng pagod at puyat ko ng isang maghapong paglantak sa shawarma on plate at pita bread. Habang hinehele ako sa sarap na hatid ng iba’t ibang lasa nito, dinadala rin ako ng putahe sa isang payapang daigdig kung saan wala akong seryosong kaisipang sinusuri o binubuo sa halip ay payak lamang akong nagpapalipas ng sandali nang walang pag-aalala. Sa ganitong mga sandali ko nabibigyan ng panibagong lakas ang aking pagod na katawan at kaluluwa at naihahanda ang sarili para sa panibagong mga pagsubok na kung hindi man simbigat ng mga nauna’y nakahihigit sa hirap. Kung tutuusin, hindi naman unang beses na dinanas ko ang mga napagdaanan ko noong mga huling araw ng First Term at maaaring paulit-ulit kong pagdaanan ang proseso, tulad ng umiikot na gulong na may sadyang panahon kung kailan lalapat sa daan. Gayunpaman, alam kong magagawa kong magpatuloy sa buhay basta’t nariyan ang shawarma on plate at pita bread ng Mister Kabab na muli’t muling magpapaningas ng diwa ko, kung kailan aandap-andap na ito.


- Alvin Ringgo C. Reyes

No comments:

Post a Comment