Saturday, November 20, 2010

Maliit Man at Nakakabitin, Masarap Pa Ring I-Ulam sa Sinangag na Kanin




Likas na sa Pinoy ang pagkahilig sa pagkain. Hindi ko maipagkakaila na isa ako sa mga taong mahilig kumain at maraming paboritong pagkain. Sa tuwing uuwi ako sa aming probinsya lagi kong hinahanap hanap ang pagkaing iba ang naidudulot sa aking saya sa tuwing kinakain ko ito, ang Longganisang Lucban. Maliit man ito ay malaki naman ang sayang hatid sa panlasa ko.
Isa sa mga pagkaing ipinagmamalaki ng mga taga-Quezon ay ang Longganisang Lucban na napakasarap na pagkain sa almusal kasabay ng sinangag at kamatis. Lalo itong sumasarap kapag isinasawsaw sa sukang maraming bawang. Ngunit para sa akin hindi lamang ito masarap tuwing almusal ngunit kahit sa ano pa mang oras ito ihain sa akin ay walang pagdadalawang isip ko itong kakainin. Kakaiba sa pangkaraniwang longganisa ang Longganisang Lucban hindi lamang sa kadahilanang mas maliliit ito sa mga karaniwang malalaking longganisa ngunit dahil sa lasa nito. Kumpara sa pangkaraniwang longganisa na may manamis-namis na lasa ito ay maalat at malalasahan ang kalahok na bawang. Giniling na baboy, asin, paminta at oregano ang kumukumpleto sa sarap ng aking paboritong pagkain. Ang pagluluto rin nito ay mas kakaiba sa ordinary. Kailangan muna itong lutuin sa tubig at kapag ito ay kumukulo na ay kailangang tusukin ang longganisa para lumabas ang mantika. Kapag naubos na ang tubig ay sa sarili nitong mantika ito ipiprito. Makakabili nito sa Lucban, Quezon kung saan makikita ang Kamay ni Hesus at kung saan masasaksihan ang Pahiyas Festival. Kaya naman masasabi kong hindi lang ako ang nakakagusto rito dahil makakakita ka ng sign na “sold out” sa napakaraming tindahan nito sa Lucban tuwing piyesta ng Pahiyas.
Isang pagkaing nakabubusog at minsa’y nakabibitin pa ang Longganisang Lucban ngunit dapat laging tatandaan na lahat ng sobra ay masama. Sa susunod na mapabisita kayo sa Quezon ay huwag ninyong malilimutang tikman ang sarap at sayang hatid ng pagkain ng Longganisang Lucban, maliit man at nakakabitin, masarap pa ring i-ulam sa sinangag na kanin.




-Jane Rafaelle R. Narra

11 comments:

  1. tama ka jane :) ako ay taga quezon din at talaga namang kakaiba ang lasa ng longganinsa ng lucban. sa una siguro ay hindi ito magugustuhan ng iba dahil sanay tayo sa matams na longganisa pero kung nanamnamin ay talagang native at malasa ito :) galing mo jane! :)

    ReplyDelete
  2. This comment has been removed by the author.

    ReplyDelete
  3. Tunay na masarap ang longganisang lucban.Sa aking pagkakaalam halos puro natural na lahok ang inilalagay dto at walang masydong mga presertibo d gaya ng ibang longganisa.Hindi nakakasawa lalo na kung may suka at sasamahan mo pa ng kape. Kung kagaya ko kayo na hilig gawing pampalasa ang bawang tiyak na ito ay inyong maiibigan. Kung mapupuna nyo ito ay nakabitin sa mga tindahan marahil nakakatulong ito upang tumulo ang taba mula dito. Mas malaman ang gawa ng taga Lucban. Marami na ang sumubok gumaya sa kanilang longganisa maging ang mga katabing bayan subalit ang gawa ng mga Lucbanin ang sadyang babalik balikan ko pa rin...

    ReplyDelete
  4. Tunay na napakasarap ng longganisang lucban. Bagama't kapiraso lamang,ito'y may lasang nanunuot hanggang sa lalamunan . Ayon sa aking pananaw,isa ang longganisang lucban sa mga sumasalamin sa kultura nating mga taga-Quezon.Ito'y may lasang kailanma'y hindi ko pagsasawaan.

    Napakaganda ng paglalarawan mo Jane, dahil dito nagutom ako sapagkat naipalasa mo sa mambabasa ang sarap ng longganisang lucban sa pamamagitan lamang ng mga sangkap nito.

    ReplyDelete
  5. Base sa pagkakalarawan mo ng longganisang lucban, masasabi ko na mukha ngang mas masarap ito sa pangkaraniwang longganisa.
    Yung pangkaraniwan pa lang naman ang natitikman ko. pero di ko nagustuhan. :) Siguro gugustuhin kong kumain ng
    longganisa kung ito ay galing sa lucban. :))
    kaya, pwedeng humingi ng pasalubong? haha! joke. anyway, good job! nakakaenganyong basahin ang blog mo Jane! :)

    ReplyDelete
  6. Haha! Masarap talaga yan! :)) noong una kong matikman yan parang hindi longganisa. mas masarap pa kasi sa common na longganisa. laging nagdadala nyan si jane dito :) pwedeng pampasalubong ;) hindi dapat husgahan ito sa amoy at panlabas na itsura kasi masarap talaga to :) PROMISE!

    ReplyDelete
  7. yan ang lagi qng namimiss pag ako'y nasa manila.. kakaiba tlga ang lasa nyan lalo n pag longganisang lucban.. siguradong kakain aq nyan ulit pag uwi q sa quezon:) -livieen

    ReplyDelete
  8. Laging bumibili sina ate at si daddy ng longganisang lucban pag umuuwi kami sa quezon. favorite breakfast yan ni ate. :) pero ako, minsan lang kumain dahil amoy na amoy kahit 3 times magbrush ng teeth..haha..
    -rj

    ReplyDelete
  9. Marami na rin akong natikman na longganisa.. pero yun nabibili lang sa supermarkets.. Yun sa palengke di ko pa nasusubukan pati yun sa lucban quezon. Dalhan mo naman ako oh. Kawili wili ang iyong sanaysay.

    ReplyDelete
  10. Hindi pa ako nakakapunta sa Quezon, subalit dahil sa iyong ibinahagi kapag ako ay nabigyan ng pagkakataon na makapunta sa Quezon eh ang longganisa na iyan kaagad ang aking hahanapin.
    Naenjoy akong basahin ang iyong sanaysay, nagutom tuloy ako bigla. HAHAHAHA. :)

    ReplyDelete
  11. Tama, Jane! :> Walang-duda, ANSARAP TALAGA! =)) Gusto ko netoooo! Plus Sinangag! Umagang busog sa saraaaap! :P

    ♥Kate

    ReplyDelete